Walang nakitang anumang paglabag sa freedom of expression si Senadora Grace Poe sa pelikulang ‘Barbie’.
Dahilan para suportahan ng senadora ang desisyon ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) na ipalabas ng buo ang naturang pelikula.
Matatandaang nanawagan ang ilan sa MTRCB na huwag hayaan na maipalabas sa bansa ang naturang pelikula dahil sa naipakita ang 9-dash line claim ng China sa South China Sea, kung saan kasama ang ilang bahagi ng West Philippine Sea.
Pinadalhan aniya si Poe ng liham ng MTRCB para ipaliwanag ang kanilang desisyon na payagan ang pagpapalabas sa bansa ng pelikulang ‘Barbie’ kalakip ang litrato ng kontrobersyal na world map na pinakita sa pelikula at sa obserbasyon ng senadora ay para lang itong drawing ng isang bata.
Bukod dito, ang mga dash lines na makikita sa mapa ay hindi siyam kundi 20 dahil ito ay tumutukoy pala sa paglalakbay na gagawin ni Barbie at walang kinalaman sa nine dash line ng China.
Kung tutuusin aniya ay mali-mali nga ang mapa dahil maraming bansa ang wala doon.
Kaya naman payo ni Poe, na dati na ring naging MTRCB chairperson, sa producers ng pelikula na para maiwasan ang mga ganitong hindi pagkakaunawaan ay maging maingat sa mga eksenang posibleng may kinalaman sa geopolitical issues. | ulat ni Nimfa Asuncion