Pinakilos na ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ang mga local shelter cluster team sa mga lugar na naapektuhan ng Super Typhoon Egay.
Bahagi ito ng proactive measure ng ahensya upang masiguro ang agarang pagtugon at pagbibigay tulong sa mga apektado ng bagyo.
Kabilang sa mga activated shelter clusters ang National Capital Region, Cordillera Administrative Region, Regions 1, 2, 3, 4A, 4B, 5, 6, 7, 8, at 10.
Sa ilalim nito, inaatasan ang mga regional director na mahigpit na i-monitor ang sitwasyon kung may pangangailangan ng mga emergency shelter.
May direktiba rin na mangasiwa na ang mga ito ng emergency response at humanitarian assistance para sa mga apektadong lalawigan.
“Regional Offices are further instructed to monitor the weather conditions within their respective jurisdiction. In response to the effects of said tropical depression, ROs are likewise directed to facilitate emergency response and humanitarian assistance,” Undersecretary Pasco.
Sa ngayon, nakikipag-ugnayan na rin aniya ang DHSUD local shelter teams sa Office of Civil Defense, National Disaster Risk Reduction and Management Council at iba pang government agencies para sa paghahatid ng tulong lalo sa mga pamilyang inilikas. | ulat ni Merry Ann Bastasa