Tiniyak ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na patuloy itong magpapatupad ng mga patakaran at programang sumusuporta sa programang “Kadiwa ng Pangulo.”
Ayon kay DILG Secretary Benhur Abalos Jr., patuloy nitong paiigtingin ang pakikipag-ugnayan sa pagitan ng national at local government upang maglagay ng mga regular na Kadiwa Center sa iba’t ibang lokalidad.
Hinikayat ng kalihim ang lahat ng local chief executive na magtatag ng Kadiwa stalls sa kanilang mga barangay at humingi ng kooperasyon sa civil society organizations at pribadong sektor.
Ang Kadiwa Program ay isang farm-to-consumer market chain program na nag-aalis ng mga tagapamagitan, na nagpapahintulot sa mga local producers na direktang magbenta sa mga consumer sa abot-kayang presyo.| ulat ni Rey Ferrer