Naniniwala ang Department of Justice (DOJ) na walang magiging epekto at hindi makasisira sa imahe ng Pilipinas ang tuluyang pagkalas nito sa International Criminal Court (ICC).
Ito ang reaksyon ni Justice Sec. Jesus Crispin Remulla makaraang magsalita na mismo si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. hinggil sa usapin.
Sa pulong balitaan ngayong hapon, sinabi ng Kalihim na bagaman hindi kikilalanin ng Pilipinas ang pagpasok ng mga taga-usig mula sa ICC, hindi naman aniya sila magiging suplado at makikinig naman sila sakaling humiling ng diyalogo.
Ang hindi lamang katanggap-tanggap ayon kay Remulla ay ang lantarang pananakop at pakikialam ng mga banyaga sa usaping panloob ng bansa.
Sa ngayon aniya, nakikipag-ugnayan naman ang Pilipinas sa European Union (EU) at iba pang International body tulad ng International Court of Justice at Permanent Court of Arbitration kaya’t malabong masira ang imahe ng Pilipinas. | ulat ni Jaymark Dagala