Tiniyak ng Department of Labor and Employment (DOLE) Region 1 ang lalo pang pagpapabuti sa kanilang mga programa at serbisyo na ipinagkakaloob sa publiko.
Kasunod ito ng pagkamit ng ahensiya ng prestihiyosong parangal na “Dayaw ti Agimanman Silnag Award,” mula sa National Economic and Development Authority (NEDA)-Region 1 at Regional Development Council (RDC)-Region 1.
Ang Silnag ay termino sa Iloko na nangangahulugang “shine” habang ang Dayaw ti Agimanman ay nangangahulugang “Honor of Leadership.”
Mula sa 13 na ahensiya ng pamahalaan na sumali sa patimpalak ay matagumpay na nakamit ng DOLE RO1 ang parangal.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas-Agoo kay Mr. Justin Paul Marbella, Labor Information Officer ng DOLE RO1, binanggit niya ang kanilang mga programa na naging basehan upang makamit nila ang Silnag Award.
Uno rito ang DOLE Integrated Livelihood Program (DILP) para sa vulnerable sector at informal worker sector, kung saan, namamahagi ang DOLE RO1 ng mga livelihood interventions sa mga benepisaryo.
Pangalawa, ang Public Employment Services (PES). Dito ay nakikipag-ugnayan ang DOLE sa mga PESO managers ng mga local government units (LGUs) para mabigyan ng trabaho ang mga naghahanap ng pagkakakitaan.
Pangatlo ang Special Program for the Employment of the Students (SPES). Sa ilalim ng programa, tutulungan ng DOLE RO1 ang mga kabataang may edad 15 pataas para makahanap sila ng trabaho habang sila’y nasa school break. Maaari silang magtrabaho sa pampubliko o pribadong opisina sa loob ng 20 araw at sila’y makakatanggap ng sahod.
Ayon pa kay Mr. Marbella, layunin ng SPES na mabigyan ang mga estudiyante ng pagkakataong magtrabaho, makapag-ipon ng pera at upang magkaroon sila ng karanasan sa trabaho.
Ipinaliwanag naman ni DOLE Region 1 Regional Director Exequiel Ronie A. Guzman ang mga techniques na kanilang ginawa na naging daan upang masungkit nila ang parangal.
Binigyang-diin nito ang kahalagahan ng pagiging “servant leader,” kung saan, siya mismo ang nangunguna sa mga programa ng ahensiya para sa publiko.
Aniya, sa DOLE RO1 ay mayroon silang sinusunod na motto na “We work as one for Region One.” Ibig sabihin, nagkakaisa ang mga opisyal at empleyado para makamit ang mission at vision ng tanggapan.
Nangako ang regional director na sa DOLE RO1 ay “no one is left behind,” at “sama-sama sa hirap at ginhawa.”
Tiniyak pa ni RD Guzman ang patuloy na pagpapahalaga ng DOLE RO1 sa publiko at kinilala nito na sa mga mamamayan nanggagaling ang tinatanggap nilang sahod. | ulat ni Glenda Sarac | RP1 Agoo