Lumagda sa kasunduan ang Department of Transportation (DOTr) at Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) para matulungan ang mga residente na maaapektuhan ng mga transportation project ng pamahalaan.
Sa ilalim ng kasunduan, ang DOTr at DHSUD ay magtutulungan para sa relocation at resettlement activities ng mga residente na matatamaan ng transportation projects sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan, at pag-aaral at pag-develop ng bagong mga housing project.
Ayon kay DOTr Secretary Jaime Bautista, makatutulong ang naturang kasunduan na matiyak na maililipat sa maayos na komunidad ang mga apektadong residente.
Ang DHSUD naman ang gagawa ng mga land use planning at zoning standards at regulations para sa pagbuo ng City-Municipal Comprehensive Land Use Plans.
Tiniyak naman ni DHSUD Secretary Jose Rizalino Acuzar na hindi lang transportation ang aayusin kundi pati na ang tirahan ng bawat pamilyang maapektuhan. | ulat ni Diane Lear