Kumpiyansa si Transportation Secretary Jaime Bautista sa kakayahan ng bagong talagang Land Transportation Office (LTO) Chief na si Atty. Vigor Mendoza II, dahil sa mga kwalipikasyon at karanasan nito.
Nanumpa si Mendoza sa harap ni Bautista ngayong araw sa isinagawang oath taking ceremony.
Kaugnay nito, binigyang direktiba ng kalihim si Mendoza na tugunan ang mga issue sa LTO gaya ng kakulangan sa driver’s license cards at plaka ng mga motorsiklo.
Ayon kay Bautista, alam ni Mendoza ang mga problema at mga posibleng solusyon sa mga ito dahil sa mga kaalaman nito sa transportation sector.
Tiniyak naman ng kalihim, mareresolba ang mga problema sa lisensya ngayong taon dahil natapos na ang procurement at nakapag-deliver na ng license cards.
Matatandaang na-deliver na ng Banner Plasticcard Inc. ang 5,000 plastic cards para sa driver’s license noong nakaraang linggo.
Target namang makapag-deliver ng isang milyon na plastic cards sa loob ng 60 araw, at 5.2 milyon na plastic cards hanggang sa katapusan ng taon. | ulat ni Diane Lear