Tiniyak na Department of Social Welfare and Development o DSWD na tutulungan nito ang mga nakaligtas na indibidwal at pamilya ng mga biktima ng lumubog na bangka sa Talim Island sa Barangay Kalinawan, Binangonan, Rizal.
Ayon kay DSWD Calabarzon Regional Director Barry Chua, bibigyan ng tig-P10,000 tulong pinansyal ang bawat pamilya ng mga biktima pati na rin burial assistance.
Habang bibigyan naman ng psychological first aid ang mga nakaligtas sa tulong ng Disaster Response and Management Division.
Nakikipag-ugnayan na rin ang DSWD sa Lokal na Pamahalaan ng Binangonan, Office of Civil Defense IV-A, at sa local chapter ng Philippine Red Cross para matingnan ang sitwasyon ng mga pasahero at kanilang pamilya upang maibigay ang kinakailangan pang tulong.
Umabot na sa 27 ang kumpirmadong nasawi sa nangyaring trahedya, habang 40 ang nakaligtas na dinala naman sa ospital sa Barangay Darangan.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, nangyari ang insidente pasado ala-1 ng hapon matapos humampas ang malakas na hangin dahilan para mag-panic ang mga pasahero at pumunta sa kaliwang bahagi ng bangka.
Dito na nasira ang katig, nawalan ng balanse, at tumaob ang bangka. | ulat ni Diane Lear