Pinatindi pa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pagmamanman sa mga residenteng nakatira sa loob ng 6-kilometer permanent danger zone sa paligid ng Bulkang Mayon sa lalawigan ng Albay.
Batay sa ulat, marami nang evacuees ang umuuwi sa kanilang mga tahanan sa loob ng danger zone para sa kanilang kabuhayan at para alagaan ang kanilang mga hayop.
Sa isinagawang inspection ng DSWD Field Office V, kasama ang ilang alkalde, ilang pamilya ang natagpuan pa sa Barangay Calbayog. Sapilitan silang inilikas sa San Jose Elementary School sa bayan ng Malilipot.
Kabilang din sa binisita ng DSWD ang mga barangay ng Quirangay at Anoling sa bayan ng Camalig upang matiyak na maliligtas ang mga natitirang residente.
Noong Sabado, nagsagawa ng forced evacuation ang PNP at Camalig LGU sa may 80 pamilya na nasa loob ng danger zone ng Mayon.| ulat ni Rey Ferrer