Patuloy na nakatutok ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa response efforts nito sa mga lalawigan partikular sa Northern Luzon na matinding tinamaan ng Bagyong Egay.
Sa Cordillera Administrative Region (CAR), aabot na sa P1.6 milyong halaga ng relief supplies ang naihatid ng DSWD sa mga apektadong pamilya. Kabilang dito ang family food packs (FFPs), hygiene, sleeping kits, at bottled drinking water.
As of July 27, nasa 3,340 pamilya mula sa Abra, Apayao, Baguio City, Benguet, Ifugao, Kalinga at Mountain Province ang naitalang apektado ng Super Typhoon Egay.
Samantala, inatasan naman ni DSWD Sec. Gatchalian ang Ilocos Regional Office na magsagawa ng imbentaryo sa family food packs (FFPs) na nakaimbak sa Laoag warehouse na isa rin sa napinsala dahil sa malakas na hangin at pag-ulang dulot ng bagyo.
Sa tantya ng DSWD, tinatayang 1,000 FFPs boxes ang nabasa sa warehouse.
“Para sa mga nabasang corrugated boxes, after the storm when everybody’s safe, please make an inventory para mapalitan. We hope yung mga bigas majority are vacuum-sealed para ma-repacked pa. The tin cans pag tumagal kakalawangin kaya dapat mapunasan kaagad. The choco malts at coffee sachets confident ako pwede ma-repack,” Asst. Secretary Alagao.
Una nang iniutos ng DSWD ang pagpapadala ng karagdagang 10,000 family food packs sa Ilocos at 17,000 family food packs sa Cagayan Valley Region. | ulat ni Merry Ann Bastasa