Nagpaalala si Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Alfredo Pascual sa mga business establishments na sundin ang “price freeze” para sa mga basic commodities, kasunod ng malalakas na hangin at ulan at pinsalang naidulot ng bagyong Egay sa Cordillera Administrative Region, Ilocos Region, Cagayan Valley, at Central Luzon.
Ayon sa kalihim, mahigpit ang kanilang pakikipag-ugnayan sa kanilang mga Regional at Provincial Offices sa mga apektadong lugar upang matiyak ang stable na presyo at suplay ng mga basic commodities.
Kasalukuyang nakataas ang price freeze sa mga lugar ng Ilocos Norte, Ilocos Sur, Pangasinan, Sanchez Mira, Cagayan, Cavite, at Sablayan, Occidental Mindoro.
Ilan sa mga binabantayang produkto ng DTI ay ang presyo ng mga canned fish, locally manufactured instant noodles, inuming tubig, tinapay, processed milk, kape, kandila, sabong panlaba, at asin.
Ayon sa Republic Act 10623 na inaamyendahan ang Price Act, awtomatikong itataas ang “price freeze” sa mga lugar na nakataas ang State of Calamity sa loob ng 60 araw.
Mawawala ang nasabing price freeze sa mga pangunahing bilihin matapos ang 60 araw o sa oras na alisin ito ng Pangulo.
Ang sinumang lalabag sa “price freeze” ay pagmumultahin mula limang libong piso hanggang isang milyong piso o di kaya ay makukulong ng isa hanggang 10 taon, depende sa desisyon ng korte.
Maaaring tumawag ang mga consumer sa hotline ng DTI na 1384 upang ireklamo ang sinumang lalabag sa “price freeze”. | ulat ni Gab Humilde Villegas