Nasa kamay na ngayon ng economic managers ng administrasyon ang pagkakataon para patunayang mali ang mga kritiko ng Maharlika Investment Fund (MIF).
Ayon kay Deputy Speaker Ralph Recto, ngayong ganap nang batas ang MIF, dapat maipakita ng economic managers na hindi mangyayari ang mga kinatatakutan ng mga tutol sa sovereign wealth fund at maisakatuparan ang ipinangakong kita ng gobyerno sa pagtatatag nito.
“The next order of the day is to shut down the critics. And because they have stuck out their necks for this, their professional reputation is also on the line. This is not just business, but personal,” pahayag ni Recto.
Punto pa ng Batangas solon, nasunod ang disensyo ng panukala at nagpasok pa ang Kongreso ng ‘safety features’ upang maiwasan ang pang-aabuso at maling paggamit sa pondo gayundin ay tiyakin ang kuwalipikasyon ng mga mamamahala sa MIF.
Kaya panawagan nito sa mga ‘appointing authority’ na tanging ang mga ‘best at brightest’ na indibidwal lamang ang kukunin para pangasiwaan ang kauna-unahang sovereign fund ng bansa. | ulat ni Kathleen Jean Forbes