Sinimulan nang muling talakayin sa komite ng Senado ang panukalang para maisabatas ang Freedom of Information (FOI) sa lahat ng ahensya ng pamahalaan.
Sa naging pagdinig ng Senate Committee on Public Information and Mass Media, binigyang diin ni committee chairman Senador Robin Padilla na karapatan ng taumbayang mabigyan ng karampatang impormasyon dahil sila ang nagpapasweldo sa mga nasa gobyerno.
Ayon kay Padilla, ang pagsasabatas ng FOI ay magpapatibay ng executive order sa pamamagitan ng pagpuno sa mga kakulangan, pagbibigay ng pondo at pagtukoy ng mga parusang criminal.
Sa pagdinig, ibinahagi ni Presidential Communications Office Undersecretary Cherbett Karen Maralit na kasalukuyan nang ipinapatupad ng ahensya ang FOI.
Gayunpaman, binabalanse nila ang request for information sa right to privacy.
Ayon naman kay Philippine Information Agency Director General Jose Torres Jr., nais nilang palakasin ang proteksyon sa whistleblower; at pagpapalakas ng “culture of integrity” sa public officials.
Suportado naman ng PCO ang mungkahi ni Padilla na iendorso ang FOI bill na maisama sa LEDAC priority bills. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion