Nagpahayag ng pagkabahala at pagkondena ang Gabriela Party-list sa napaulat na insidente ng sexual assault sa isang mag-aaral sa loob mismo ng UP Diliman campus.
Ayon kay Assistant Minority Leader at Gabriela Party-list Representative Arlene Brosas wake-up call ito upang repasuhin at palakasin ng UP community ang kanilang polisiya pagdating sa seguridad upang matiyak ang proteksyon ng mga mag-aaral.
Hinimok din ng mambabatas ang lahat ng paaralan na magpatupad ng gender-responsive approach sa kanilang mga panuntunan at polisiya upang maiwasang maulit ang insidente.
Gayundin ay magbigay ng angkop na suporta sa mga biktima.
Handa rin aniya ang Gabriela na makipag-ugnayan katuwang ang iba pang women’s rights advocates sa pagbuo ng action plan para sa ganitong mga isyu.
Magkagayunman, paalala ng mambabatas na hindi dapat gamitin ang insidente para sa militarisasyon at pagdami ng presensya ng Kapulisan sa naturang unibersidad at iba pang paaralan. | ulat ni Kathleen Jean Forbes