Iginiit ni Senate President Juan Miguel Zubiri na dapat ipaglaban ng pamahalaan ng pPilipinas ang exclusive economic zone ng ating bansa at tiyaking walang kahit isang pulgada ng ating teritoryo ang mawawala.
Ito ang pahayag ng senate president sa gitna ng patuloy na aktibidad ng bansang China sa West Philippine Sea.
Pinakita pa ni Zubiri ang mapa kung saan makikita na ang reed bank ay 80 nautical miles lang mula sa Palawan habang nasa 600 nautical miles ang layo nito sa China.
Kaya naman malabo aniya ang nine-dash line claim ng China, kung saan sinasabi ng mga ito na bahagi ng kanilang teritoryo ang West Philippine Sea (WPS).
Kaugnay nito, sinabi ni Zubiri na plano ng senado na aprubahan sa susunod na linggo ang resolusyon na nananawagan sa administrasyon na iakyat na sa United Nations General Assembly (UNGA) ang patuloy na harassment at pambu-bully ng China sa pwersa sa Pilipinas sa WPS.
Gayundin sa pagbabalewala ng China sa 2016 arbitral ruling na pumapabor sa Pilipinas.| ulat ni Nimfa Asuncion