Tiniyak ni House Speaker Martin Romualdez na suportado ng Kamara ang inisyatiba ng Marcos Jr. administration na paramihin ang trabaho sa Pilipinas.
Ito ang ibinahagi ng lider ng Kamara sa pagharap ng Philippine delegation sa Filipino Community sa Malaysia sa pangunguna ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Dagdag pa ng mambabatas, malinaw ang atas sa kanila ni PBBM sa kaniyang ikalawang State of the Nation Address (SONA) para magtuloy-tuloy ang magandang takbo ng ekonomiya ng bansa upang makalikha ng mas maraming trabaho para ang pagta-trabaho abroad ay maging optional na lang.
“Bilang lider ng Kamara, makakaasa ang ating mga kababayan, lalo na ang ating mga OFW, na ipapasa namin ang mga repormang nais ng Pangulo at maglalaan kami ng tamang pondo para sa mga programa sa pagkakaroon ng mas maraming trabaho, murang mga bilihin, at mga karampatang social services para sa lahat ng Pilipino. We are one with the President’s aspirations to uplift the life of every Filipino so that parents no longer need to leave home and work abroad for their family’s survival but only as a matter of choice,” ani Romualdez.
Nagpasalamat naman si Romualdez sa mainit na pagsalubong ng Filipino community kay PBBM at sa buong delegasyon.
Magsisilbi aniya itong inspirasyon para mas lalo silang magsumikap na tulungan ang Marcos Jr. administration na maisakatuparan ang kanyang mga pangarap para sa isang Bagong Pilipinas.
Nasa Malaysia si Pangulong Marcos para sa tatlong araw na State Visit. | ulat ni Kathleen Jean Forbes