Pinagkalooban ng United States Agency for International Development (USAID) ng 9.7 milyong pisong halaga ng donasyon ang mga guro at out-of-school youth na apektado ng pag-aalburoto ng bulkang Mayon.
Ang donasyon na binubuo ng educational materials at hygiene kits ay tinurn-over ni USAID Philippines Resident Legal Officer Michelle McLeod at Department of Education (DepEd) Region V Assistant Director Bebiano Sentillas sa mga mag-aaral sa Legazpi City, Albay kahapon.
Makikinabang sa donasyon ang 1,700 estudyanteng naka-enroll Alternative Learning System (ALS) ng DepEd at 100 guro sa 34 na apektadong barangay sa Legazpi City at Tabaco City, at mga munisipyo ng Malilipot, Sto. Domingo, Camalig, Daraga, at Guinobatan.
Nauna rito, nagbigay din ang USAID ng halos dalawang milyong pisong halaga ng “learner and teacher kits” sa 19 na paaralan bilang bahagi ng kanilang Advancing Basic Education in the Philippines (ABC+) program, na pakikinabangan ng 6,000 estudyante at 200 guro na apektado ng aktibidad ng bulkang Mayon. | ulat ni Leo Sarne
📷: US Embassy