Nakahanda na ang ilang kagamitang gagamitin ng mga pulis at ng mga makikinig sa labas ng Batasang Pambansa ngayong ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Kabilang sa inihandang magagamit ng publiko ay ang portable toilets o ang tinatawag na portalets na nakapalibot iba’t ibang lugar sa Commonwealth Avenue.
Ang naturang portalets ang magsisilbing palikuran ng mga makikinig ng SONA ng Pangulo sa labas ng Batasan Complex.
Ito ay mayroong para sa mga lalaki, babae, at maging sa persons with disabilities.
Bukod dito, nakahanda na rin ang tents na gagamitin ng hanay ng pulisya habang nagbabantay sa mismong lugar.
Gayundin, nakahanda na rin ang Help Desk ng National Capital Region Police Office (NCRPO) at maging First Aid station ng Philippine Red Cross.
Naka-antabay naman ang mga sasakyan ng PRC, Bureau of Fire Protection, Metropolitan Manila Development Authority, at Department of Public Works and Highways sa anumang sitwasyon ng indibidwal na makikiisa sa protesta. | ulat ni Glenn Ronquillo