Nagpapatuloy sa ngayon ang isinasagawang search ang rescue operation ng Binangonan Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office at Philippine Coast matapos lumubog ang isang bangka sa Talim Island ng Barangay Kalinawan sa Binangonan, Rizal.
Ayon kay Binangonan Rizal MDRRMO Head Jose Hernandez III, nasa 10 hanggang 15 na mga pasahero ang wala ng malay ng makuha ng mga rescuer ng PCG, habang 40 ang nakaligtas sa insidente.
Sa ngayon, hinihintay pa ng Binangonan MDRRMO kung ano ang deklarasyon ng doktor sa mga biktima kaya hindi pa makumpirma kung patay na ang mga ito.
Pasado ala-1 ng hapon ng mangyari ang insidente sa kasagsagan ng malakas na ulan at bugso ng hangin.
Batay sa inisyal na impormasyon, nagsiksikan umano ang mga pasahero sa kaliwang bahagi ng motor bangka nung humampas ang malakas na hangin kaya ito tumaob. | ulat ni Diane Lear