Siniguro ni House Speaker Martin Romualdez na nahanapan na ng solusyon ng Appropriations at Ways and Means Committee ang ilan sa isyu sa ipinapanukalang Military and Uniformed Personnel pension reform.
Aniya, magkatuwang sina Appropriations Committee Chair Zaldy Co, Ways and Means Committee Chair Joey Salceda, House Committee o Economic Affairs at think tank ng Kamara sa paglatag ng panukala.
“Ito sasabihin ko na on the part of the House na naman, nakalatag na ang ating mga recommended and suggested solutions and procedures dito sa pag-ano pagkukuha or pag generate ng additional resources at revenues para pondohan natin itong sinasabing mga pension Trillion trillion daw problema, sa totoo lang po yung MUP hindi naman agad babayaran mo one shot isa-staggard mo yan, hindi naman sa isang taon lang lahat ng mga military or uniformed magreretiro. Ima-manage po natin yan at sa ating mga calculations, kakayanin natin yan,” ani Romualdez.
Una nang sinabi ni Salceda na hindi aabutin ng 9.7 trillion ang kakailanganing pondo para sa pension reform.
Aniya, ang projection na tataas ito ng 12.7% kada taon sa loob ng tatlumpung taon ay hindi naman nangyari sa nakalipas na limang taon, kaya’t hiling niya sa Department of Finance (DOF) na magkaroon ng re-calculation.
Sa kasalukuyan, batay sa panukala na binubuo sa Kamara, hindi magtataas ng sweldo ang active MUP ng higit sa 5%, mananatili rin aniya ang indexation gayundin ang 20 year-service o 56-years old optional retirement.
“So ibig sabihin, ni singkong duling po, na benepisyong walang mawawala sa sundalo. Basta po magkakaroon po ng shared sacrifice din silain a sense na magco-contribute pero the entire contribution, na kung saan magdadagdag pa ang national government ng additional assets para magkaroon ng trust fund it will be fully dedicated to increased benefits.” paliwanag ni Salceda.| ulat ni Kathleen Jean Forbes