Kinansela ngayong araw ng Valenzuela City government ang ilang aktibidad nito dahil sa masamang panahon dulot ng bagyong Dodong.
Sa abiso ng lokal na pamahalaan,kabilang sa maapektuhan ang Alagang Pamilyang Valenzuelano Medical Mission sa Brgy. Balangkas, Oplan Manhood 2023 o Libreng Tuli sa Brgy. Marulas at ang Medical Mission sa Brgy. Ugong na inisyatiba ng Office of the 1st Congressional District of Valenzuela City.
Ayon sa LGU, apektado ang lungsod sa mga pag-ulan dulot ng sama ng panahon at ilan sa mga lansangan ang nilubog ng tubig baha.
Hanggang kagabi may ilang kalsada pa ang lubog sa tubig baha habang ang iba ay humupa na.
May 13 pamilya pa o katumbas ng 52 katao ang naapektuhan ng pag-collapse ng isang residential structure sa EMs Barrio sa Barangay Marulas.
Nasa 12 sa kanila ay inilikas sa San Miguel Heights Elementary School, bilang pansamantalang matutuluyan. | ulat ni Rey Ferrer