Hindi pabor ang ilang motorcycle rider sa plano ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na pagmultahin ang mga motoristang nakikisilong sa ilalim ng mga flyover at footbridge tuwing umuulan.
Kasunod yan ng naging pahayag ni MMDA acting Chair Romando Artes na posibleng isyuhan na nila ng ticket ang mga rider na nakikitila sa mga underpass dahil delikado ito.
Ilan sa mga nakausap nating rider sa Quezon City, aminadong bawal naman talaga ang tumambay sa mga underpass dahil mapanganib ito sa dami ng mabibilis na sasakyang dumadaan sa kalsada.
Pabor naman silang ipagbawal ito pero huwag na raw idaan pa sa pagmumulta dahil hindi naman sinasadya ito ng mga motorista.
Kadalasan, saglit lang din daw silang humihinto sa underpass para lang magsuot ng kapote.
Ang rider namang si Nino, iminungkahi ang pagkakaroon ng mas maraming motorcycle lay bay shed lalo sa EDSA na maaaring silungan ng mga motoristang naabutan ng ulan.
Payo naman ni Mang Ronald sa mga kapwa rider, maghanap na lang ng mas ligtas na sisilungan gaya ng mga convenience store o mga gasolinahan na hindi pa abala.
Dapat ring aniyang huwag kalimutan ng mga rider ang kanilang mga kapote at pananggalang sa ulan. | ulat ni Merry Ann Bastasa