Ilang mahahalagang pagbabago sa basic education curriculum ang inaasahang ipatutupad sa 2025.
Ito ang pahayag ni Education Assistant Secretary for Operations Francis Cesar Bringas.
Ayon kay Bringas, tinatapos na nila ang revised Kindergarten hanggang Grade 10 curriculum. Aniya, sinama rin ng ahensya ang mga komento ng publiko sa bagong curriculum at inaasahang mailulunsad ito sa katapusan ng Hulyo.
Dagdag pa ng opisyal, kabilang sa mga pagbabago sa revised K-10 curriculum ang pagbabawas ng learning areas mula sa Grade 1 hanggang Grade 3.
Batay sa draft na inilabas noong Mayo, magkakaroon ng bagong subject ang Grade 1 hanggang Grade 3 na Sibika, Kultura, Kasaysayan, at Kagalingang Pangkatawan o SIKap kung saan pinag-isa ang Araling Panlipunan, Music, Arts, Physical Education, at Health.
Matatandaan noong Mayo, bumuo ang DepEd ng task force upang pag-aralan ang Senior High School program at iba pang polisiya upang matiyak na naibibigay nito ang pangangailangan ng mga mag-aaral.
Inaasahang magsusumite ang task force ng kanilang findings at rekomendasyon sa susunod na taon. | ulat ni Diane Lear