Ilang senador, nanawagang bigyan ng pagkakataon si Tourism Secretary Christina Frasco

Facebook
Twitter
LinkedIn

Sa gitna ng kontrobersiya sa bagong “Love the Philippines” tourism slogan ng bansa, umapela si Senador Sonny Angara at Senador Christopher ‘Bong’ Go, na bigyan pa ng pagkakataon sa kanyang tungkulin si Department of Tourism (DOT) Secretary Christina Frasco.

Ayon kay Angara, hindi dapat matabunan ng kontrobersiya ang magagandang nagawa na ni Frasco.

Ipinunto rin ng senador, ang mabilis na pagkilos ng kalihim sa kontrobersiya nang i-terminate agad nito ang kontrata ng DOT sa pumalpak na advertising agency na DDB Philippines.

Para kay Angara, maayos ang pangangasiwa ng kalihim sa pagbuhay sa turismo ng bansa matapos ang COVID-19 pandemic na nagbunga aniya ng pagtaas sa dalawang milyon ng mga international visitor arrivals sa bansa, mula Enero hanggang Mayo ngayong taon.

Lagpas aniya ito sa target na 1.7 million international visitor arrivals.

Nakatanggap na rin aniya ng maraming nominasyon ang Pilipinas sa World Travel Awards sa ilalim ng pangangasiwa ni Fracso… kabilang na dito ang Asia’s Leading Island Destination; Asia’s Leading Beach Destination; Asia’s Leading Dive Destination; Intramuros as Asia’s Leading Tourist Attraction; Cebu as Asia’s Leading Wedding Destination; at DOT as Asia’s Leading Tourist Board.

Para naman kay Senador Bong Go, hindi dapat mawala ang atensyon ng lahat sa tunay na layunin ng kampanya na mahalin ang bansang Pilipinas.

Aniya, dapat magtulungan para maitama ang pagkakamali at mai-promote ang Pilipinas kasabay ng pagtiyak ng patuloy na suporta kay Frasco at sa iba pang opisyal ng DOT. | ulat ni Nimfa Asuncion

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us