Muling naitala ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang pagbagal ng inflation o galaw ng presyo ng mga bilihin at serbisyo sa bansa.
Sa ulat ni PSA Chief at National Statistician Claire Dennis Mapa, bumaba sa 5.4% ang inflation nitong Hunyo mula sa 6.1% noong Mayo.
Ito na ang ikalimang buwan na tuloy-tuloy na pagbaba ng inflation sa bansa at pasok rin sa forecast range ng Bangko Sentral ng Pilipinas na nasa 5.3 hanggang 6.1%.
Ang average inflation naman mula Enero hanggang Hunyo ay nasa antas na 7.2%.
Paliwanag ng PSA, nangungunang dahilan ng pagbagal ng antas ng inflation ay ang mas mabagal na paggalaw sa presyo ng food and non-alcoholic beverages na may 6.7% inflation.
Partikular dito ang pagbaba ng presyo ng manok, prutas gaya ng mangga at pulang asukal.
Pangalawa sa nakaambag ang pagbagal ng presyo ng transport na may -3.1% inflation dahil sa pagbaba ng presyo ng gasolina, pamasahe sa jeep, at diesel.
Ikatlo pa sa nakaambag ay ang pagbagal sa paggalaw ng presyo ng kuryente at renta sa bahay.
Samantala, pagdating naman sa overall inflation nitong Hunyo, ang pangunahing nag-ambag ay ang food and non-alcoholic beverages kabilang ang pagbaba ng presyo ng bigas, sibuyas, at isda.
Habang bumaba rin sa 5.6% ang headline inflation sa National Capital Region (NCR) mula sa 6.5% noong Mayo dahil sa mas mabagal na galaw ng presyo ng ilang pangunahing bilihin kabilang ang pagkain.
Sa mga rehiyon naman sa labas ng NCR, ang may pinakamababang inflation ay ang Cordillera Administrative Region (CAR) na nasa 3.2% habang pinakamataas naman ang inflation sa MIMAROPA na nasa 7.2%. | ulat ni Merry Ann Bastasa