Inilunsad ng National Economic and Development Authority (NEDA) ang Infrastructure Flagship Projects (IFPs) Dashboard.
Ang nasabing dashboard ay libreng ma-access ng publiko sa pamamagitan ng official website ng NEDA.
Ito ay isang interactive tool, na maaaring gamitin upang makita ang mga impormasyon sa 194 na IFPs ng pamahalaan.
Kabilang sa feature ng dashboard ang status ng proyekto, cost requirements, distribution by sector, mode of financing, at regional location.
Mayroon din itong user guide para mapadali ang paggamit, at pag-analyze ng datos ng IFPs ng mga user.
Ayon kay NEDA Secretary Arsenio Balisacan, inaasahan na sa tulong ng IFPs Dashboard mas mapapaigting ang transparency ng pamahalaan sa publiko dahil mamo-monitor na ang pag-usad ng mga big ticket infrastructure project sa bansa.
Dagdag pa ni Balisacan, makakatulong din ito para maisulong ang accountability sa mga ahensya ng pamahalaan, lalo pa at binigyan ng direktiba ang mga ito na regular na i-update ang NEDA sa galaw ng mga proyekto.
Sa ngayon, nasa 194 IFPs hanggang nitong unang quarter ng 2023 ang maaaring ma-access sa dashboard, habang kasalukuyan namang isinasagawa ang data collection para sa mga proyekto ngayong ikalawang quarter ng 2023 at saka ito ipiprisinra sa Committee on Infrastructure at NEDA Board sa Agosto. | ulat ni Diane Lear