Inaprubahan ni Philippine National Police (PNP) Chief General Benjamin Acorda Jr. ang pagpapatupad ng isang araw na gun ban sa Metro Manila, Calabarzon, at Central Luzon para sa ikalawang State of the Nation Address (SONA) ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ayon kay PNP Directorate for Operations Director Police Brigadier General Leo Francisco, ang 24-oras na gun ban sa tatlong rehiyon ay magiging epektibo mula 12:01 ng madaling araw ng July 24 hanggang 11:59 ng gabi ng araw ding iyon.
Sinabi ni Francisco na dahil sa gun ban, suspendido ang lahat ng Permit to Carry Firearms Outside Residence (PTCFOR) ng mga gun owner sa tatlong rehiyon.
Ibig sabihin bawal muna magbitbit ng baril ang mga gun owner sa nasabing mga petsa kahit pa mayroon silang valid na PTCFOR.
Tanging mga unipormadong law enforcers lang ang papayagang magbitbit ng baril. | ulat ni Leo Sarne