Kinokonsidera ni Senador Robin Padilla na gawing modelo ang bansang Israel sa pagpapahintulot ng paggamit ng cannabis (marijuana) para sa layuning medikal.
Sa naging pagdinig ng Senate Subcommittee on Health tungkol sa Senate Bill 230 o ang Medical Cannabis Compassionate Access Bill, sinabi ng senador na kilala ang Israel bilang isa sa mga bansang may pinakamaayos at malinaw na batas at regulasyon sa medical cannabis.
Mayroon aniyang mayamang research tungkol sa usapin ang naturang bansa at mahigpit rin ang kanilang law enforcement.
Nalaman aniya ito ni Padilla sa naging pagbisita niya sa Israel noong Mayo.
Iginiit muli ng mambabatas na ang layunin niya ay ang paggamit ng cannabis para lang sa medikal na gamit at hindi sa recreational use.
Muli ring nanawagan ang senador sa publiko na manatiling bukas ang isip sa medikal na paggamit sa cannabis, lalo na para mabigyan ng kalayaang mamili ang may karamdaman ng paraan ng paggagamot na sa tingin nila ay nararapat sa kanila, kaagapay ng prescription ng kanilang doktor. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion