Isyu sa tourism slogan ng Pilipinas, di dapat isisi kay Sec. Frasco; naturang isyu pinaiimbestigahan na sa Kamara

Facebook
Twitter
LinkedIn

Naniniwala si ACT CIS Party-list Representative Erwin Tulfo na hindi tamang isisi kay Tourism Secretary Christina Frasco ang gusot sa LOVE THE PHILIPPINES tourism campaign video.

Sa isang social media post, ipinunto nito na kung pagbabatayan ang mga ulat at interview, ay maituturing lamang na kliyente ng DDB Philippines ang Department of Tourism (DOT).

Kaya hindi aniya makatwiran na isisi sa DOT ang pagkakamali ng iba.

Ang DDB Philippines ang kinuhang ad agency ng DOT para gumawa ng video campaign kung saan gumamit ito ng stock video ng ibang mga bansa para sa tourism ad ng Pilipinas.

“Kung tutuusin, si DOT ay isa lang sa kliyente ng DDB.  Si DDB Philippines ang gumawa ng ad gaya ng jingle at mga video nito. Therefore, kung palpak ang produkto, bakit ang customer ang sisisihin?  Dapat ang may gumawa nito di ba?  Ang may kasalanan ay si DDB at hindi si DOT o si Secretary Frasco dahil mga biktima lang din sila ng kapalpakan ng nasabing ad campaign,” pahayag ni Representative Tulfo.

Magkagayunman, dapat pa rin aniyang panagutin ni Secretary Frasco ang mga tao na nagkaroon ng pagkukulang sa pag-review at pagsuri sa naturang video bago ipinalabas.

Sa kasalukuyan, isang resolusyon ang inihain ng ilang mambabatas sa Kamara para imbestigahan ang isyu.

Partikular na pinakikilos sa House Resolution 1115 ang House Committees on Tourism at Government and Public Accountability para sa isang investigation in aid of legislation upang matukoy din kung mayroon bang nagamit o nasayang na pondo ng bayan sa naturang ad campaign.  | ulat ni Kathleen Jean Forbes

📸: Rep. Erwin Tulfo FB page

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us