Plano ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos Jr. na gawin nang buwanan ang pagdaos ng Kadiwa ng Pangulo sa DILG Central Office sa Quezon City.
At habang papalapit ang panahon ng kapaskuhan ay maaaring gawin ito ng dalawang beses kada buwan.
Ginawa ng kalihim ang pahayag pagkatapos dalhin ang murang produktong agrikultura at iba pang produkto ng small and medium enterprises (SMEs) sa mga empleyado ng DILG at National Police Commission noong Biyernes.
Ang proyekto, ayon sa kalihim ay ipinatutupad na sa mga local government unit. Itinakda rin ang Kadiwa ng Pangulo market days tuwing ika-15 at ika-30 araw ng bawat buwan.
Ang idinaos na Kadiwa ng Pangulo sa DILG Central Office ay bahagi ng pagdiriwang ng National Nutrition Month.
Kasama sa proyekto ang Department of Agriculture, Department of Social Welfare and Development, National Nutrition Council at Cooperative Development Authority. | ulat ni Rey Ferrer