Nagkasundo ang Pilipinas at Mexico na palakasin pa ang balikatan sa kalakalan at kultura, kasunod ng epekto ng COVID-19 pandemic at kasabay na rin ng ika-70 taon ng relasyon ng dalawang bansa.
Sa presentation of credentials ni Ambassador-designate Daniel Hernandez Joseph sa Malacañang ngayong araw (July 10), sinabi nito na nagsisilbing connectors ng Asya at Amerika ang Pilipinas at Mexico.
Dahil dito, marami pa aniya ang maaaring gawin ng dalawang bansa, sa kalakalan, kultura, at siyensya.
Bagay na sinang-ayunan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., lalo’t ang makabagong ekonomiya aniya ay nangangailangan ng makabagong workforce, at ibang kakayahan kumpara sa nakaugalian na.
“And much of the work we are doing to transform the economy is to transform the workforce so that the daily technologies are understood. It extends in every field,” — Pangulong Marcos Jr.
Ayon pa sa Pangulo, kahit malayo ang Mexico sa Pilipinas natuto na ang lahat na makipag-transaksyon sa isa’t isa nang hindi na kailangan pang bumiyahe.
“So I think that changes the relationship and that changes the possibilities, the potentials that we should explore,” — Pangulong Marcos.
Simula taong 2020, ang kalakalan ng Pilipinas at Mexico ay patuloy na lumalago.
Nitong 2022 lamang, pumalo ito sa $1.1 billion US dollars.
Ang Mexico ang ika-23 trading partner ng bansa. | ulat ni Racquel Bayan