Pinaboran ng ilang miyembro ng gabinete ang naging panghuling bahagi ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kung saan inihayag nito ang kumpiyansang bumubuti na ang lagay ng bansa at dumating na ang Bagong Pilipinas.
Para kay Department of Agrarian Reform (DAR) Secretary Conrado Estrella III, ang pahayag ng Pangulo ay simbolo ng maraming bagong nangyayari sa bansa kabilang na ang pagtataguyod ng technological advancement ng digitalisasyon sa pamahalaan.
Naniniwala rin si Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Ivan John Uy na ito na ang pagkakataon na maipagmalaki sa buong mundo ang pag-angat ng Pilipinas.
Malaki aniya ang potensyal ng bansa lalo pa ngayong tuloy-tuloy na ang magandang economic performance nito.
Sinabi naman ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma na dapat nang antabayan ng mamamayan ang mga susunod na hakbang ng Marcos Administration kung saan lahat ng mga panukala, at polisiya ay mabibigyang aksyon at maisasakatuparan sa pamamagitan na rin ng whole-of-government approach.
Sa kanyang panig, ipinunto naman ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos ang kahalagahan ng pakikiisa ng bawat isa sa pagsusulong ng Bagong Pilipinas. | ulat ni Merry Ann Bastasa