Maliban sa priority bills na inilatag ng Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC), ilan pang mga panukalang batas ang isusulong ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso na maipasa ngayong second regular session.
Ayon kay Senate President Juan Miguel Zubiri, isa sa mga pangunahing ipapangako nilang maipasa ay ang pagpapataas ng sweldo ng mga manggagawa sa buong bansa sa pamamagitan ng pagpapasa ng isang legislated nationwide wage hike.
Nagbigay rin ng commitment ang Senate president na maipapasa nila sa ikatlong pagbasa ang mga panukalang Philippine Defense Industry Development Act (PDIDA), Cybersecurity Act, at ang mga panukalang amyenda sa procurement provisiong ng Armed Forces of the Philippines Modernization Act.
Maliban sa pagsusulong ng mga panukala para sa kapakanan ng mga Pilipino, patuloy rin aniyang naninindigan ang Senado para sa soberanya ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Ngayong linggo, inaasahang mapagtitibay ng Mataas na Kapulungan ang isang resolusyon na sumusuporta sa paghikayat sa gobyerno na iakyat na sa United Nations General Assembly (UNGA) ang patuloy na harassment at pambu-bully ng China sa pwersa ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Mamayang alas-10 ng umaga, nakatakdang magbukas ang second regular session ng 19th Congress Senate. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion