Humigit-kumulang 1,000 seedlings sa bawat lalawigan ang naitanim sa magkakasunod na tree planting activity ng One Movement, Inc. sa tatlong probinsiya sa Rehiyon Dos.
Ayon kay Dr. Marlon Mendoza, ang chairperson ng grupo, nagtatapos na sa lambak-Cagayan ang kanilang paghahanda para sa grand launching ng 1 Million Trees and Bamboos Planting Activity sa buong bansa sa Setyembre 13, 2023, na kasabay rin ng kaarawan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Malaking ambag, aniya, ito sa paglutas sa problema sa clinate change, na nakalinya rin sa climate change adaptation and disaster risk reduction program ng pangulo.
Kasamang nagtanim ng 400 miyembro ng grupo ang iba’t ibang LGU sa tatlong mga lalawigan, kasama ang mga sectoral organization, gaya na lamang ng mga vendor organization, mga TODA, riders’ group at maraming iba pa.
Kabilang sa mga tree planting site ay sa Cabarroguis, Quirino; Dibuluan, Jones at sa Tuguegarao City, Cagayan.
Sa kasalukuyan ay tinututukan ng organisasyon ang Sierra Madre Mountain Range, kung saan una na rin nilang pinuntahan ang mga lalawigang nakakasakop dito.| ulat ni April Racho| RP1 Tuguegarao