Tiniyak ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na nakahanda ito sa ikakasang tatlong araw na transport strike ng ilang transport groups simula sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa July 24 hanggang July 26.
Sinabi ni LTFRB Board Member Mercy Jane Leynes, na magde-deploy sila ng mga sasakyan para umalalay sa mga pasahero na maapektuhan ng strike.
Ani Leynes, magiging katuwang nila rito ang Metro Manila Development Authority (MMDA) at mga lokal na pamahalaan.
Sa kabila nito, nanawaganan naman si Leynes sa ilang tranport group na planong magsagawa ng transport strike na huwag na itong ituloy, at ikonsidera ang mga pasahero na maaapektuhan nito.
Sa inilabas naman na pahayag ng Department of Transportation (DOTr), sinabi nitong bukas sila, ang LTFRB, at Office of Transportation Cooperatives sa pakikipag-diyalogo sa transport groups at tiniyak nito na tutugunan ang kanilang mga hinaing. Matatandaang planong magkasa ng tatlong araw na nationwide transport strike ng grupong Manibela simula sa araw ng SONA ng Pangulo, dahl hindi umano natutugunan ng pamahalaan ang mga concern ng public utility vehicle drivers at operators. | ulat ni Diane Lear