Nagsagawa ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng isang transport consultation event upang pakinggan ang mga hinaing ng bus operators.
Pinangunahan ni LTFRB Chairperson Teofilo Guadiz ang naturang dayalogo na dinaluhan ng iba’t ibang miyembro ng city at provincial bus operators kabilang ang Nagkakaisang Samahan ng mga Nangangasiwa ng Panlalawigang Bus sa Pilipinas, Inc. (NSNPBI).
Kasama sa tinalakay ang hirit ng mga bus operator na ibalik ang kanilang pre-pandemic routes kasama ang EDSA.
Nalulugi na raw kasi ang ilan sa mga city bus operators dahil humina ang kanilang kita nang ilipat ang ruta sa ilalim ng Route Rationalization Plan.
Nahihirapan din ang mga provincial bus na hindi na rin pinadadaan sa EDSA.
Nagkaroon din ng panukala ang bus operators hinggil sa special permit tulad ng 25% na limitasyon para sa pag-isyu nito tuwing special holidays.
Kasama rin dito ang pagtitiyak na ang mga yunit ng bus na kukuha ng special permit ay hindi hihigit sa 10 taong gulang.
Hiniling din ng mga bus operator na pahintulutan ang pagpalit sa kanilang mga yunit upang muling maihanay ang kanilang mga bus sa naaangkop na mga ruta, batay sa kagustuhan at pangangailangan ng kanilang mga pasahero.
Bukod dito, tinugunan din ng LTFRB sa naturang konsultasyon ang mga hinaing ng operators tungkol sa “15-year vehicle useful life” ng mga bus at ang moratorium sa “Sale and Transfer” ng Certificate of Public Convenience (CPC).
Sa kanyang panig, tiniyak naman ni LTFRB Chairman Atty. Teofilo Guadiz III na sisikaping matugunan ang mga hinaing na ipinarating ng mga bus operator.
“Rest assured that we will evaluate your recommendations and we hope to address all of these situations. If you have other concerns, you can come to our respective offices to discuss it,” pahayag ni Chair Guadiz. | ulat ni Merry Ann Bastasa