Lungsod ng Iligan, nagsimula na rin magbakuna ng COVID-19 Bivalent Vaccine

Facebook
Twitter
LinkedIn

Sinimulan na ng lungsod ng Iligan ang pagbakuna ng ikatlong booster laban sa COVID-19 gamit ang Bivalent vaccine noong Biyernes, July 7, 2023.

Unang isinagawa ang pagtuturok ng Bivalent vaccine sa Iligan Medical Center Hospital (IMCH) sa Pala-o, Iligan City kung saan inunang bakunahan ang healthworkers at Senior Citizens na nasa category A1 at A2.

Pinangunahan ang paglunsad ng Bivalent vaccine roll-out ni Department of Health (DOH) Region 10 Local Health Support Division Assistant Regional Director Dr. David A. Mendoza, katuwang ang Iligan City Health Office sa pamumuno ni Dr. Glenn Manarpaac, IMCH Medical Director Dr. Celina Torres-Jo, at mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng lungsod ng Iligan.

Sa panayam ng Radyo Pilipinas Iligan kay Department of Health (DOH) Region 10 Local Health Support Division Assistant Regional Director Dr. David A. Mendoza, 16,440 ang kabuuang doses ng Bivalent vaccine allocated sa buong Northern Mindanao at ipinamahagi ang mga ito sa iba’t ibang probinsya at lungsod na sakop ng rehiyon.

Klinaro ni Mendoza na libre, safe at effective ang mga vaccine dahil napag-alaman na halos lahat ng mga cases na nasa critical at severe stage ay ang mga hindi pa nabakunahan.

Ipinaliwanag naman ni Iligan City Health Office Chief Dr. Glenn Manarpaac na ang maaaring mabakunahan ng Bivalent vaccine ay ang naka-kumpleto ng una at pangalawang booster shot at ito ang magsisilbing pangatlong booster shot na mas malakas kontra sa orihinal na variant ng COVID-19 at iba’t-ibang variant nito tulad ng Omicron.

Dagdag ni Manarpaac, nasa mahigit 1,000 doses pa lamang ang ibinigay na alokasyon sa Iligan City.

Ang Iligan City ay masuwerteng nabahagian ng mahigit 1,000 doses na Bivalent vaccine mula sa 390,000 doses na donasyon ng Lithuanian Government sa Pilipinas.| ulat ni Sharif Timhar H. Habib Majid| RP1 Iligan

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us