Nananatiling maganda ang balikatan sa pagitan ng pamahalaan at pribadong sektor, partikular para sa mga proyektong layong magbigay ng serbisyo sa mga Pilipino.
Pahayag ito ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr, kasunod ng ground-breaking ceremony ng multi-specialty hospital sa Clark, Pampanga ngayong araw (July 17).
Sa isang ambush interview, sinabi ng Pangulo na palaging bukas ang pribadong sektor tuwing humihingi ng tulong ang pamahalaan, kabilang na dito ang mga infra program.
Maging ang mga funding agency aniya sa ibang bansa, palaging naaasahan ng gobyerno.
Pagbibigay diin ni Pangulong Marcos Jr., kailangan talaga ng tulong mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan upang makamtan ang pag-unlad na minimithi para sa bawat Pilipino.
“Tama rin ang pinatunguhan natin na hindi tayo umasa sa gobyerno lamang. Umaasa tayo sa lahat-lahat ng – lahat ng iba’t ibang sektor ng lipunan para naman makatulong. Hindi lamang ‘yung mga malalaki na mga mayayaman na korporasyon, na mayayaman na indibidwal, kung hindi bawat isang Pinoy. Makikita mo, basta’t kung makita may paraan talagang makatulong, tumutulong.” —Pangulong Marcos. | ulat ni Racquel Bayan