Hinikayat ni Senate Committee on Health Chairperson Senador Christopher ‘Bong’ Go ang Department of Health (DOH) at ang Food and Drug Adminstration (FDA) na paigtingin ang pagbabantay kontra sa mga advertisement ng mga pagkaing may mataas na lebel ng saturated fatty acid, trans-fatty acids, free sugar, at salt.
Ito ay kasunod na rin ng rekomendasyon ng World Health Organization (WHO) sa lahat ng mga pamahalaan sa buong mundo na magpatupad ng mahigpit na polisiya para maprotektahan ang mga kabataan mula sa mga ads na nakakaapekto sa kanilang dietary choices.
Ipinunto ni Go ang tumataas na kaso ng mga diet-related na sakit gaya ng diabetes, sakit sa puso, at obesity lalo na sa mga kabataan.
Kaya naman kritikal aniyang i-regulate na ang marketing ng mga pagkain at inumin na napatunayan nang negatibong nakakaimpluwensya sa paraan ng pagkain ng mga kabataan.
Dapat aniyang ikategorya at tukuyin ng gobyerno kung ano ang mga food products na dapat limitahan lang ang marketing para epektibong ma-regulate ang ads sa iba’t ibang media platforms.
Hinikayat rin ni Go ang publiko na alagaan ang kani-kanilang kalusugan, lalo na ng mga kabataan, at makiisa sa kampanya laban sa unhealthy food marketing. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion