Umaasa si Bicol Saro partylist Representative Brian Raymund Yamsuan na sa pagbubukas ng 2nd regular session ay mabilis nang uusad sa Kongreso ang panukala na magbibigay ng maayos na sahod at benepisyo sa mga civilian personnel na nagtatrabaho sa mga law enforcement agency.
Ayon kay Yamsuan na dating nagsilbing Assistant Secretary ng Department of the Interior and Local Government (DILG), nilalayon ng Magna Carta of Non-Uniformed Personnel, na gawing propesyonal ang mga NUP upang makapagbigay ng mas magandang serbisyo sa publiko.
Punto ng mambabatas na ang trabaho ng mga NUP ay kasing halaga ng kanilang uniformed counterparts kaya’t marapat lang na matiyak din ang kanilang karapatan.
Sakop ng naturang magna carta ang mga NUP sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Department of National Defense (DND), Bureau of Fire Protection (BFP), Bureau of Corrections (BuCor), Philippine Coast Guard (PCG), at National Mapping and Resource Information Authority (NAMRIA).
Sakaling maisabatas itutulak na ipantay ang sahod ng NUP sa mga uniformed personnel.
Bibigyan rin sila ng insentibo at iba pang benepisyo gaya ng overtime, hazard, longevity at night differential pay; laundry, quarters at clothing allowance; at isang sakong bigas kada buwan o katumbas na halaga nito.
Magkakaroon din sila ng vacation at sick leaves, study leaves, maternity at paternity leaves, 5-day mandatory leave with full pay, separation benefits, at scholarship privileges para sa mga anak at iba pang dependents.
Inaatasan naman ang uniformed agencies kung saan sila kabilang na sagutin ang professionalization training ng mga NUP. | ulat ni Kathleen Jean Forbes