Nagpaalala ang Maynilad sa mga customer nito na maaapektuhan ng water service interruption, na mag-ipon lamang ng tubig na sasapat sa oras na mawawalan ng suplay.
Paliwanag ni Engr. Ronald Padua, makakaapekto rin kasi ang sabay-sabay at sobrang pag-iipon ng tubig sa kanilang water pressure.
Iwas dagdag gastos na rin aniya ito sa water bill ng mga customer.
Pagsisiguro pa ni Padua, na tatalima sila sa ibinigay na water service interruption schedule.
Mayroon naman aniya silang nasa 80 water tankers ngunit nirereserba talaga aniya nila ito para sa mga ospital.
Ngunit kung talaganag kakailanganin ay maaari naman magbigay serbisyo sa mga kabahayan.
Sa anunsiyo ng Maynilad, magpapatupad sila ng 9 hanggang l11 oras na water interruption simula sa July 12.
Ang water service interruption ay bunsod na rin ng mas mababang alokasyon ng tubig sa Maynilad mula sa Angat Dam, na nasa 48 cubic meters na lang mula sa dating 50 cubic meters.
Bagamat sinabi ng MWSS na ang 48 cubic meters ay normal o baseline allocation sa water concessionaires, nilinaw ni Padua na ang volume ng tubig na ito ay nababawasan pa.
Sa ngayon, batay sa concession agreement 46 cubic meters ang dapat na darating sa La Mesa portal ngunit nitong Linggo nasa 44 cubic meters lang ang bumababa sa portal. | ulat ni Kathleen Forbes