Pinasisiyasat ni Maguindanao del Norte with Cotabato City Representative BAI Dimple Mastura ang hindi magandang karanasang sinapit ng mga Filipino Muslim na nakibahagi sa 2023 Hajj.
Sa ilalim ng House Resolution 1107, pinasisilip ang reklamo ng mga kababayang Muslim Filipinos na nakaranas ng di umano’y hindi magandang kondisyon habang sila ay nagsasagawa ng banal na paglalakbay sa Mecca.
Kabilang dito ang logistical challenges— mga naantalang byahe, problema sa hotel accommodation, at hindi pagbigay ng pagkain sa tamang oras.
Ang naturang reklamo ay pinatotohanan ni Charge de’ Affaires Rommel Romato nang dinalaw nito ang mga pilgrim sa Mina noong ika-28 ng Hunyo.
Umaasa si Mastura na sa pamamagitan ng imbestigasyon ay matutukoy kung may pagkukulang ba ang National Commission on Muslim Filipinos sa pangangasiwa nito sa 2023 Hajj gayundin ay mabigyan ng karampatang aksyon at mapanagot ang sinumang mapatunayang nagkaroon ng kapabayaan. | ulat ni Kathleen Jean Forbes