Binigyang pagkilala ni Philippine Army Chief Lieutenant General Romeo Brawner Jr. ang mga bagong nagtapos sa Army Officer Candidate Course (OCC) “Gaigmat” Class 58-2023, sa pamamagitan ng isang reception sa Kastelo Verde, Capas, Tarlac kahapon.
Ang 106 na Officer Candidate ay pormal na magtatapos sa seremonya sa Fort Bonifacio sa Hulyo 7, matapos na sumailalim sa isang taong masusing pagsasanay.
Ang mga bagong 2nd Lieutenant na mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa ay may kasanayan sa iba’t ibang larangan kabilang ang: civil engineering, agricultural and biosystems engineering, criminology, medical technology, fisheries technology, psychology, nutrition and dietetics, at teaching.
Sa reception, ipinagkaloob din ni Brawner sa mga bagong opisyal ang kanilang inisyal na “clothing and equipment bag” na naglalaman ng mga esensyal na kagamitan.
Pinuri naman ni Gen. Brawner ang mga opisyal at tauhan ng Training and Doctrine Command (TRADOC) sa kanilang mahusay na pagsasanay ng mga bagong opisyal. | ulat ni Leo Sarne