Nasa 95 magsasaka sa lungsod ng Butuan ang nakatanggap ng iba’t ibang klase ng binhi ng gulay mula sa Department of Agriculture (DA) Caraga Regional Office sa pamamagitan ng Butuan City Agriculture Office.
Bukod sa binhi, namahagi rin ng 10 power sprayer, 90 plastic drums, at 50 pirasong plastic crates.
Layon ng lokal na pamahalaan ng Butuan na mapalago ang vegetable production sa lungsod, makamit ang masaganang ani at ang hangaring makayang tapatan ang kalapit-probinsya na sagana sa mga produktong agrikultura.
Nabigyang-katuparan ang hiling ng mga benepisyaryong magsasaka matapos itong maiparating ng LGU sa DA Caraga. Ang ahensya ang nag-provide ng naturang farm inputs sa ilalim ng High Value Crop Development Program.
Hinimok naman ni City Councilor Arturo Gado, Committee Chair on Agriculture ang mga magsasaka na tangkilikin ang organic farming dahil maliban sa mapananatili nitong mataba ang lupa, matitiyak pang ligtas kainin ang mga aanihing gulay. | ulat ni May Diez | RP1 Butuan