Nakahanda ang Department of Social Welfare and Development Eastern Visayas Regional Office (DSWD-FO VIII) na tumulong sa mga pamilya at mangingisdang naapektuhan ng oil spill na nangyari sa Port of San Ricardo sa lalawigan ng Southern Leyte.
Nasa dalawang barangay ang naapektuhan ng oil spill na kasalukuyang iniimbestigahan ng Philippine National Police – Maritime Group, Philippine Coast Guard at San Ricardo local government unit.
Ibinunyag ni DSWD Regional Director Grace Subong na nangyari ang oil spill dakong alas-12 ng tanghali noong Biyernes Hulyo 7 ngunit nitong Linggo Hulyo 9 pa lamang sila nakatanggap ng ulat tungkol sa insidente.
Samantala, sa inisyal na ulat ng Southern Leyte Provincial Disaster Response and Management Office (PDRRMO), nabatid na nagmula ang oil spill sa isa sa mga passenger vessel na dumaong sa pantalan ng San Ricardo.
Ang barangay Benit at Timba ang pinakanaapektuhan dahil ang oil spill ay napag-alamang nasa isang kilometro mula sa karagatan sa munisipyo kung saan tinatayang nasa 297 na pamilya o 1,118 na indibidwal ang apektado.
Sa nasabing bilang, 196 na pamilya o katumbas ng 782 indibidwal sa Barangay Benit, habang 101 na pamilya o 335 indibidwal sa Barangay Timba.
Samantala, nakipag-ugnayan na ang DSWD sa alkalde ng naturang bayan para magbigay ng kinakailangang tulong mula sa ahensya.| ulat ni Ria Micate| RP1 Sogod