Nagpaalala ang Bureau of Internal Revenue (BIR) sa lahat ng business owners na i-display sa kanilang establishment ang “Notice to Issue Receipt/Invoice o NIRI”.
Simula nitong Hulyo 1, pinalitan na ng NIRI ang “Ask for Receipt” Notice o ARN na unang inisyu ng Revenue District Offices /Large Taxpayers Division sa kanilang registered business taxpayers.
Ayon kay Commissioner Romeo Lumagui Jr., ang paggamit ng “Ask for Receipt” Notice ay valid lamang hanggang Hunyo 30, 2023 alinsunod sa Revenue Memorandum Order No. 43-2022 na inisyu ng BIR noong Setyember 29, 2022.
Ngayong buwan, obligado na ang lahat ng sellers kabilang ang online sellers na mag-display ng NIRI sa kanilang establishment, website at social media accounts.
Lahat ng registered business taxpayers na magpapalit ng kanilang lumang “Ask for Receipt” Notice ay kailangang mag-update ng kanilang registration information bago mabigyan ng NIRI.
Sabi pa ng BIR Chief, sinuman ang mabigong sumunod sa kautusan ay may katapat na kaparusahan alinsunod sa umiiral na batas. | ulat ni Rey Ferrer