Mga netizen, rumesbak sa mga pahayag ni Makati Mayor Binay laban sa Taguig

Facebook
Twitter
LinkedIn

Pinasinungalingan ng ilang mga netizen nitong Lunes ang mga sinabi ni Makati City Mayor Abby Binay sa isang post nito sa Facebook patungkol sa mga serbisyong aniya’y hindi natatanggap ng mga taga-City of Taguig at “tanging Makati lang ang nagbibigay.”

Nitong July 17, 2023, nag-upload ng isang video si Binay sa official account ng Makati bilang sagot sa naging pinal na desisyon ng Korte Suprema na ibigay ang jurisdiction ng “Embo” o Enlisted Men’s Barrios sa City of Taguig.

Giit ng mayora, “nababahala” raw siya para sa mga residente ng Embo dahil hindi na raw makukuha ng mga ito ang mga serbisyong natatanggap ng mga Makatizen. Ani Binay, “pambobola” lang raw ang ibibigay na scholarship sa mga nagbabalik na Taguigeño dahil may mga requirement pa aniya patungkol sa residency bago ito ibigay.

Agad naman sumagot ang mga netizen at sinabing “hindi totoo” ang iginigiit ni Binay. “Mayor Binay, sorry to say that the education and benefits of senior citizens are pampered here in Taguig. We are proud Taguigeños,” komento ng isang Facebook user.

Noong July 10, 2023, isang linggo na bago i-post ni Binay ang nasabing video, naglabas na ng statement ang City Government of Taguig na sinisimulan nang ibahagi ng Taguig sa mga residente ng mga “Embo” barangay ang lahat ng serbisyong tinatamasa ng mga taga-Taguig, pinakauna na nga ang Lifeline Assistance for Neighbors In-need Scholarship Program.

Samakatuwid, hindi ituturing na bagong-salta sa Taguig ang mga taga-Embo kundi magiging awtomatikong residente na ng Taguig, kaya awtomatikong benepisyaryo na rin sila ng mga serbisyo nito.

“Dito [sa’min] sa Taguig kada student may natatanggap na P5K per sem, P10K kung may merit. Meron ding LANI scholarship na P10K per sem, P20K ‘pag may merit,” komento ng isang Facebook user.

Pinasinungalingan din ng mga netizen ang sinabi ni Binay sa video na Makati lamang ang nagbibigay ng cash allowance para sa mga senior citizen.

“Dito sa Taguig may birthday gift na taun-taon, may mga libreng recreation facilities pa, pampa-relax. Ultimo papustiso at panonood ng sine libre. Ganyan kami alagaan dito sa Taguig,” kwento ng isang Facebook user.

“Mayor Lani will not abandon them; rather, she is going to love and sincerely welcome them. #ILoveTaguig,” komento ng isa pa.

Ayon naman sa isa pang netizen, “uninformed” ang mga naging komento ni Binay, kabilang aniya ang sinabi ng mayora na ang “de-kalidad pero libreng serbisyo pangkalusugan” ay “tanging sa Makati lang matatanggap.”

“Do your research po Mayor Binay. Sa Taguig, libre rin ang medical service at magaganda ang facilities. 24/7 kahit anong oras ka tumawag makakapagpa-consult ka,” pahayag ng naturang netizen.

Sa dulo ng video, inakusahan ni Binay na “hindi ginagawa [ng Taguig]” sa mga kasalukuyang residente nito ang mga ipinapangako nitong libreng serbisyo sa mga residente ng Embo.

Lumalabas sa opisyal na records ng Lungsod ng Taguig na noong unang beses na maupo sa pwesto ang kasalukuyang mayor ng Taguig na si Mayor Lani Cayetano, agad niyang itinaas sa P100 million ang dinatnan niyang P5 million na pondo para sa scholarship. Patuloy itong itinaas sa mga sumunod na taon, hanggang sa umabot ito sa P750 million noong 2022.

“Sana lahat ng bayan ng bawat probinsya gaya ng Taguig, sana lahat makinabang,” pahayag ng isa pang netizen.

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us