Mga pantalan sa bansa, muling pinaghahanda sa paparating na panibagong bagyo
Muling pinaghahanda ng Philippine Ports Authority (PPA) ang lahat ng Port Management Offices nito sa bansa hinggil sa bagong paparating na bagyo sa bansa.
Sa kaniyang pag-iikot, sinabi ni PPA General Manager Jay Santiago na wala naman silang naiulat na major damage sa iba’t ibang pantalan sa bansa.
Maliban na lamang aniya sa Northern Luzon na nabasagan ng salamin sa pintuan dahil sa lakas ng hanging dulot ng bagyong Egay.
Kasunod nito, sinabi ni Santiago na nananatiling ligtas ang iba pang mga pantalan sa buong bansa dahil maagang nakapaghanda ang mga ito sa epekto ng bagyo.
Patuloy naman ang pamamahagi ng tulong ng PPA tulad ng hotmeals at libreng film showing sa mga stranded na pasahero habang may nakalatag ding Malasakit Help Desk para tumulong sa mga ito.
Sakaling pumasok na sa Philippine Area of Responsibility ang binabantayang sama ng panahon, papangalanan itong bagyong Falcon. | ulat ni Jaymark Dagala
📸: PPA