Pinaigting ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang kakayahan nito sa pagresponde sa mga delikadong tactical situations na gaya ng mass shootings, pambobomba at terrorist attack.
Ngayong araw, nasa 80 tauhan ng BFP firefighting, emergency at special rescue unit ang sumalang sa kauna-unahang Tactical Emergency Casualty Care Course.
Nagkaroon ng scenario ng isang hostage-taking kung saan marami ang sugatan.
Mabilis ang naging pagtugon ng mga BFP personnel bitbit ang kanilang mga protective at rescue equipment na agad iniligtas ang mga sugatan.
Layon nitong palakasin ang pwersa ng BFP hindi lang sa pagtugon sa mga insidente ng sunog at mga kalamidad, kundi sa mga posibilidad ng mas delikadong sitwasyon kung saan mas maraming tao ang kailangang ireskyu.
Ayon kay Senior Superintendent Joey Abary, Deputy Director for Health Service ng BFP, kasama sa mga lumahok dito ang mga tauhan mula sa BFP Regions 1-5 at NCR.
Sa pamamagitan nito, maihahanda aniya ang BFP na maging katuwang ng pulis at militar sa mga tactical emergencies na gaya ng nangyari noong Quirino Grandstand hostage-taking, Resorts World shooting, at Zamboanga pati na ang Marawi siege. | ulat ni Merry Ann Bastasa