Nagsagawa na ng walkthrough sa kahabaan ng Commonwealth Avenue ang ilang opisyal ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), National Capital Region Police Office (NCRPO), Quezon City Police District (QCPD) at Bureau of Fire Protection (BFP).
Ayon kay MMDA General Manager Popoy Lipana, tinitingnan nila ang latag ng seguridad at paghahanda sa lugar bago ang State of The Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Lunes.
Nais din nilang malaman kung may idadagdag pa silang mga kagamitan sa kalsada bukod sa mga itatalagang tauhan para sa final adjustment.
Mula sa harap ng Commission on Human Rights (CHR), Tandang Sora hanggang sa bahagi ng Batasan Complex, may nakatalaga nang skeletal force ang pulisya.
Ang buong deployment ng pulisya ay gagawin sa Lunes.
Kasabay ng walkthrough sa Commonwealth Avenue, isinasagawa na rin ng MMDA ang clearing operation sa mga bangketa partikular sa mga alternate routes na gagamitin ng motorista. | ulat ni Rey Ferrer